MAYE'S CORNER

I hate coding: finding my place in IT

WRITTEN BY: MARIELLE LOUISE O. MACTAL | JANUARY 28, 2026

  Maye working on her laptop

Maraming beses na akong napasabi sa sarili ko na "ayoko na, gusto ko na magshift" habang umiiyak, at madalas kong tanungin kung tama nga ba ang tinatahak kong landas. Sa loob ng dalawang taon ko sa kolehiyo, araw-araw kong hinahanap kung ano nga ba talaga ang para sa akin dahil ayoko ng coding. May mga gabing napupuno ako ng pagdududa at pagod, at pakiramdam ko'y napag-iiwanan na ako ng iba. Ngunit unti-unti kong napagtanto na hindi lang coding ang bumubuo sa mundo ng Information Technology may iba't ibang larangan kung saan mahalaga ang komunikasyon, pagsusuri, at pagtulong sa iba sa pamamagitan ng teknolohiya. Dito ko sinimulang maunawaan na kahit ayoko ng coding, may puwang pa rin ako sa IT, at sa halip na sumuko, pinili kong patuloy na hanapin ang aking lugar sa mundong aking tinatahak.   

Tears, doubts, and tech dreams


     Bago pa man ako pumasok sa kolehiyo, gusto ko na talagang maging isang ganap na doktor paglaki at isa sa mga pangarap ko ay makapagsuot ng puting uniporme. Ngunit may mga bagay talaga na kahit gustuhin man natin ay hindi talaga para sa atin at tanggapin na may ibang landas talaga na nakalaan para sa atin. Kung kaya't ako ay napunta sa mundo ng teknolohiya. Isang mundo na hindi ko naman inakala na ako ay mapupunta. May dalawa akong tito na kung saan tumulong upang maunawaan ko ang kursong aking tinatahak – Isang IT na nagtapos sa UE at Isang Computer Science na nagtapos sa CEU. Kahit may mga panahong gusto ko na sumuko, sila ay isa sa nagpapaalala sa akin na kahit di ko gusto ang coding, marami pa ring ibang direksyon ang pwede kong tahakin at matutunan sa kursong ito. Naalala ko noong una, hindi ko talaga maintindhan yung mga coding na lesson namin at sinasabi ko sa lola ko na "gusto ko na magshift" pero kalaunan unti-unti ko ng natutunan mahalin at sinabayan ko ng sipag at tiyaga sa pag-aaral unti-unti kong naiintindhan ang mga bagay na ito. Sa munting prosesong ito nasubok ko ang aking sarili. Hindi madali maging isang estudyanteng IT lalo na't kung hindi mo napupusuan ang kursong ito. Kailangan ng sipag, tiyaga, mahabang pasensiya, at higit sa lahat desikasyon upang magpatuloy dito. Ang IT ay hindi para sa mahina dahil sinubok nito ang aking sarili lalo na ang aking "mental-health". 

Discovering my own path in Information and Technology


     Noong first year ako, wala ako masyadong nakikitang subject na gusto ko. Ngunit, pagpasok ko ng second year agad ko na narealize na hindi man ako magaling magcode may ibang forte naman akong napupusuan. Unang pumasok sa utak ko ay ang pagiging isang business analyst na siyang naaalala ko sa Business Process Management o BPM namin na subject. Naalala ko din ang speaker namin noon sa seminar sa COMSSO na si Ms. Kathleen Marcelo na siyang nagpalinaw kung ano nga ba talaga ang trabaho ng business analyst. Nagbigay siya ng mga halimbawa at ibinahagi niya ang kanyang karanasan sa kanyang mga naging trabaho. Ikalawa, na-pusuan ko rin ang database namin na subject, may coding man ito pero para sa akin mas madali ko siyang naintindihan kung kaya't na-pusuan ko rin ito at pakiramdam ko na mas nakakababae rin ang trabahong ito. Ikatlo, since matagal ko na naririnig ang networking at malaki raw ang kita sahod nito kung kaya't isa ito sa naisip ko na possible kong maging trabaho pag dating ng araw. Ikaapat at panghuli, ang pagiging web designer sa ngayon medyo nangangapa pa ako sa coding ngunit naniniwala ako na sa pamamagitan ng matiyagang pag-aaral ay makukuha ko rin ito. Nag-eenjoy ako sa tuwing nagdedesign ako at noong bata rin ako nahilig ako magresearch patungkol sa web-design kung kaya't napupusuan ko rin itong maging trabaho balang araw. Wala man sa mga nabanggit ko na propesyon ang aking magiging trabaho balang-araw nais ko na ito ay konekta pa rin sa kursong tinatahak ko ngayon o kaya naman hindi man ito konektado basta alam ko sa sarili ko na masaya ako at ineenjoy ko ang trabaho ko. Dahil habang tumatanda ako narealize ko na mas mahalaga pa din talaga ang kalusugang pisikal at emosyonal kung kaya't balang araw sana ang trabaho na mapuntahan ko ay payapa sa aking utak, masaya, at higit sa lahat gusto ko. Upang sa gayon ay magkaroon ako ng isang masaya at payapang workplace.     

How I see myself in the next 5 years in a tech-field


    Hindi man tulad ng inaasam kong pangarap na makita ang sarili ko na isang ganap na doktor, masaya pa rin ako sa tinatahak ng aking landas ngayon. Sa susunod na limang taon, nakikita ko ang sarili ko na nagtatrabaho sa San Miguel Corp. o sa Accenture bilang isang business analyst o kaya naman patungkol sa database. Inaasam ko na mag-simula magtrabaho sa kumpanyang iyon dahil na rin sa mga kakilala ko na kasalukuyang nagtatrabaho duon. Narinig ko ang magagandang benefits at iba pa. Sa panahong iyon, nakikita ko din na ma-ilalabas at ma-ililibre ko ang mga mahal ko sa buhay lalong lalo na ang aking lolo at lola na siyang nagpalaki at nag-alaga sa akin. Pinapangarap ko na makabawi sa kanila at ibigay ang lahat ng pangangailangan at luho nila gaya ng ginawa nila sa akin. Kung hindi man ako nagtatrabaho maaaring ako ay isang negosyante dahil malapit rin sa puso ko ang pagtitinda. Dahil bata pa lamang sabi nila ako ay may taglay na husay sa pagnenegosyo kung kaya't maaring pagtapos ko ng kolehiyo at mahirapan ako maghanap ng trabaho maaring mag-simula muna ako ng negosyo panandalian. Kung wala man ako sa dalawa kong nabanggit maaaring nag-apply rin ako bilang isang guro o professor sa UE. Naisip ko itong option sapagkat narinig ko na prayoridad nila ang mga graduate sa UE na maging empleyado nito. Wala man akong kasiguraduhan kung ano nga ba ang patutunguhan ko pagkatapos ko ng kolehiyo, ngunit naniniwala ako sa sarili ko na gagawa't gagawa ako ng paraan upang hindi basta matengga sa bahay at didiskarte upang agad na makabawi sa aking mga mahal sa buhay. Gagamitin ko lahat ng aking mga naging karanasan sa noon at ngayon upang harapin ang mga pagsubok na darating sa hinaharap. Sa ngayon, nasa punto ako ng aking buhay ng paghahanda. Dahil sabi nga nila mararanasan mo ang tunay na buhay pagkatapos mo makuha ang diploma. Realidad ng buhay na kung saan ay hindi puro sarap at may kaakibat na responsibilidad. Kaya ngayon, habang ako ay napapalapit na sa huling yugto ng kolehiyo, araw-araw ko na ineenjoy ang bawat sandali, dahil balang-araw lahat ng ito ay magiging masaya at hindi malilimutang ala-ala na lamang na kahit kailan man ay hindi mo na mababalikan.    


Back to Top